ANDREA TARTAR "Babae, babae ako"
Maikling babasahin, akda ni Andrea Tartar
Sino ang mga babae sa panahong mahirap? Anong klaseng sandalan sila?
Sa matahimik na umaga, rinig ang patak ng tubig mula sa pag-ulan kagabi. Amoy na amoy na rin ang matapang na kape sa umaga na humahalo sa simoy na sa malamig lamang na umaga naamoy.
Sa tuwing gigising ako ako ng ala-sais, tahimik lang. Hindi ko alam kung para saan ako naghahanda, kung para sa sigawan na naman ba mamaya?
Anim na taon na kaming walang ilaw ng tahanan pagkat maaga niya kaming nilisan.
Si Papa, alam ko’ng gusto niya nang magpahinga sa pagtatrabaho. Pero ang lagi niyang sinasabi: “Nag-aaral pa ang mga kapatid mo. Alam mo namang ikaw ang panganay ko… ayaw kitang mapagod.”
Alam ko’ng mahal ako ni Papa, pero minsan hindi ko wari kung ayaw niya lang na ako na ang umako ng pagtatrabaho o minsa’y minamaliit niya ako.
Lagi ko rin siyang tinanong, “Bakit?”
“Kasi ikaw ay babae! Babae ka!” minsan nga tumatawa pa siya habang sinasabi niya ‘yon. Sa tuwing ipinaparamdam niya sa akin na unica hija niya ako, kaya wala siyang inaasahan mula sa akin kundi ang makapagtapos at magka-asawa.
Sa hapag kainan naming ngayong umaga, hindi ko batid kung bakit tahimik silang lahat, maaga kasi ako nakatulog kagabi. Baka nagusap-usap sila kagabi.
“Anong mayroon? Tahimik kayong lahat?” isa-isa ko silang nilapatan ng tingin at sinuri ang kanilang mga mukha. At nang magkasalubong ang mga mata namin ni Papa, doon ko nakita na may problema.
Kitang-kita ko ang pag-aalangan sa mga mata niya.
“Ano ba kasing problema?” malambing at nanghihikayat kong tono ng pagtatanong.
“Ate kasi—”
“Jerald!” Lahat sila, pati na rin ako, nagulat ako s amalakas na sigaw ni Papa.
At doon ko mas nakita, hindi siya basta lang nag-aalangan at nalulungkot. Nahihiya siya. “Papa, sabihin niyo na, magtatampo ako. Sa Maynila na ako titira…”
Marahas niyang ipinilig ang ulo at kumuha ng sangag at dahan-dahang inilagay sa plato niya. Ang mga mata niyang nagkukubli, ang mga galaw niyang umiiwas, ang tono ng boses niyang sumisigaw, at ang pagtikom niya ng bibig. Ayaw niyang magsalita, ayaw niyang magsabi.
“Ate… ubos na kasi ang pension ni Papa,” sa bulong ni Cedi sa akin ay sumabay ang pagdadabog ni Papa ng kutsara’t tinidor niya.
Hindi ako nainis, gumaan pa nga ang loob ko nang malaman ko ang dahilan. Mababaw ito para sa akin, pero para kay Papa… alam ko’ng ayaw niya itong ipaalam sa akin. Ayaw niyang ako ang umako ng responsibilidad na ‘yon.
Nang sumapit ang tanghali at muling natahimik ang bahay, naabutan ko si Papa na sumisimsim sa kape niya. Agad ko siyang nilapitan at niyakap, “Papa… anong problema?”
Agad siyang tumikhim at sinungitan ako, “Papa…”
“Babae, babae ka… Rina.”
Agad akong kumalas sa pagkakayakap sa kaniya at hinarap ko siya. Mas bumaba ako para yumuko siya’t pagmasdan niya ang kabuuan ng aking mukha, ang hawig na mukha ng babaeng pinaka-mamahal niya. Si Mama.
“Pero puwede mo namang sabihin sa akin ang mga problema mo, Pa.” Sa malambing ko’ng boses ay sinabay niya ang kabig ng kaniyang kamay upang haplusin ang aking pisngi.
Nahihiya siyang ngumiti sa akin, “Nahihiya ako, Anak. Marami ka pang poproblemahin, dadagdag pa ba ako?”
“Hay nako, ano pa ba ang hindi mo sinasabi sa akin?”
“Ah eh, tatlong taon ko nang hindi nababayaran to’ng bahay—”
“Hala ka, Papa!”
“Sosulusyunan ko naman—” natatawa ko siyang hinampas sab inti.
“Ako na pa—”
“Bakit?”
“Kasi ako ay babae. Babae ako.”
Aral:
Walang masamang maidudulot ang pagsasabi ng problema sa iba, maliit man o malaki. Dapat nga’y nagsisimula tayo sa pagsasabi ng maliliit na problema para hindi na ito lumaki. Lalo na kung karamay natin ang ating pamilya.
Hindi lang ito, marahil minsa’y tingin na rin ng iba na mahirap para sa mga kababaihan ang trabaho ng isang lalaki, hindi lamang sa loob ng isang pamilya, kahit saan pa man. Ang pagkapantay-pantay ay nararapat na sinisimulan sa tahanan. Kapatid sa kapatid, pamilya sa pamilya.
Ito ay ang paglutas ng suliranin ng isang tao sa kaniyang sarili, at sa kaniyang maaaring gawin pa.
Layunin:
Nawa’y ang maikling kuwento’ng ito’y inyong nakapulutan ng aral. Ang akdang ito’y galing sa problemang sinasalamin ko; na dapat ay matuto tayong magsabi, kayanin nating ipahayag ang ating sarili sa iba, lalo na sa ating pamilya.
Comments
Post a Comment